3.02.2015

I ♥ Cubao!!!

Photo Credit: empirerealproperties.com
Cubao - sentro ng komersyalismo sa QC; isa sa pinakabusy na lugar sa Pilipinas. Nandiyan ang Farmers Plaza, Ali Mall, SM, Araneta Coliseum, Fiesta Carnival at terminal ng mga bus ng iba’t ibang probinsya mapaNorte man o Timog Luzon. Ngunit sa pagtakbo ng panahon unti-unting nawalan ng kinang ang ilang sikat na pasyalan sa lugar. Nalaos ang Farmers Plaza at inagaw ni Henry Sy ang trono sa pagkalat ng SM hindi lang sa buong Maynila kundi sa buong bansa. Ang Fiesta Carnival na dating patok na patok sa mga bata ay unti-unting nakalimutan ng umusbong ang iba’t ibang amusement park katulad ng Star City at Boom na Boom sa Pasay at Enchanted Kingdom sa Laguna. Ang Araneta Coliseum bagamat sikat pa rin sa ngayon ay marami na ring katunggali na matatagpuan sa iba’t ibang sulok ng Kamaynilaan. Sa paglipas ng panahon tila ba napabayaan ang Cubao at ang ginampanan nito sa kasaysayan. Maraming maunlad na negosyo sa Cubao na ngayon ay hindi mo na matatagpuan.

Parte ng aking kabataan ang Cubao. Palibhasa ilang taon din kaming tumira sa Proj. 4 na konting kembot lang nasa Cubao ka na. Ngayon, tuwing nagagawi ako sa Cubao, namimiss ko ang dating Fiesta Carnival at ang Smokeys na nasa tapat ng Araneta Coliseum. Kinalaunan ay naging outdoor ang amusement park na ito na ngayon ay hindi ko na sigurado kung nandoon pa. Samantalang yung Smokeys mukhang nilamon na rin ng smoke. Nademolish na matagal ng panahon ang nakalilipas.


Ngayong 21st century, naisipan naman ng pamahalaan na irehabilitate ang dating kinang ng Cubao. Nandyan na ang Gateway Mall, sikat na grocery na hindi Jr., air-coditioned tiangge, malaking branch ng National Bookstore, mga Call Center, high-end fashion stores and other supermarket, at mga hotel na mukhang pangmayaman. Higit sa lahat, ang paligid ng Araneta Center abay ang sosyal lalo na sa gabi. 

Ang Araneta Coliseum ay isa pa rin sa pangunahing pinagdadausan ng PBA, local at foreign concerts, religious gathering, and even wedding reception. Tuwing gabi nagliliwanag ang paligid nito sa pagbukas ng iba’t ibang resto at ilang mga food stall na perfect para sa mga medyo nagtitipid, ika nga.
Photo Credit: piliving.com

Kung matatandaan ninyo, nabalitang nasunog ang ilang parte ng Farmers Plaza. As expected, nakaapekto ito sa pagtamlay ng mall. Muli ko itong napuntahan noong bago matapos ang taong 2014 at sa pagkakataong ito kitangkita ang malaking pagbabago – mas maliwanag na paligid at ang food center higit ng maaliwalas kumpara noon. Kahit wala ng bandang tumutugtog habang tsumitsibog mas feel ko sya ngayon sa totoo lang. 
Photo Credit: panoramio.com

Surprisingly, matibay pa rin ang Cubao Expo (matatagpuan sa likod ng Araneta Center Bus Terminal) na sa tinagaltagal ng panahon ay last December ko lang natunton. Dream come true yun. Oo, totoo! Inakala ng isa kong kaibigan na ang Cubao Expo ay isa lang sa mga gusali sa Cubao na malamang ay nakalinya na ring maglaho dahil sa lumang exterior nito. Ang sabi ko naman ang tawag dyan – Vintage. Kilala ang lugar na ito sa mga tindahan ng mga sapatos na gawang Marikina. Sa ngayon ay meron pa ring ilang tindahang naiwan sa loob nito. Napalitan naman ang iba ng ilang vintage shop, arts boutique, clothing store with rare designs, mini bar and restos at ang Bellini’s Italian Restaurant na naging sikat dahil sa pelikulang One More Chance ni Popoy at Basha. Masasabing ang buhay ng lugar na ito ay nagsisimula sa paglubog ni haring araw. Tila ba paborito itong tambayan ng ilang magkakabarkada at ilang mga dayuhan. Sa palagay ko nga para kang natatransport sa ibang lugar pagpumunta ka dito kasi naman ang layo ng itsura sa mga modern commercial places na siguradong kilala nating lahat. Pumunta lang bago magdilim to better appreciate its vintage look. At may bonus pa para sa mga music lover, may jam session dito paminsanminsan. Chillax lang tapos may konting malamig na bote ng beer (para sa umiinom) at masarap na kwentuhan ng barkada. Ang saya lang, di ba?
Photo Credit: janegalvez.com


Isa pa sa mga nais kong puntahan sa Cubao ay ang Dampa sa Farmers Market na katulad ng Cubao Expo ay hindi ko rin nakita noong unang beses na sinubukan kong hanapin ito. Sa ikalawang beses, isinusumpa ko na hahanapin ko muna ito sa google map para hindi naman mapudpod ang sapatos ko kakahanap. Para sa mga mahilig sa seafoods at paluto, Dampa sa Farmers Market is a place to go if you're in Kyusi.
Photo Credit: gimikain.wordpress.com


Noong nakaraang taon nagbukas din ang mga pinto ng Arts in Island, ang sinasabing pinakamalaking 3D arts museum sa Asya. Ito ay matatagpuan malapit lamang sa Cubao Expo at ayon sa nasagap kong tsismis meron daw daan papunta dito sa may gilid ng Bellini’s. Kaya sa mga mahilig sa arts at pichur-pichur, punta na! Huwag lang kalilimutang magbitbit ng camera at Limang Daang Piso para sa entrance fee. Oo, hindi ito libre mga parekoy.

Photo Credit: Arts in Island FB Page

At panghuli, para sa mga mahilig manood ng sine, nasa ikaapat na palapag ng Gateway mall ang Dolby Super Digital Cinema (Cineplex 10) for ultimate movie experience (sabi nila ha). Obviously, hindi ko pa rin natatry manood ng pelikula dyan. Ang masasabi ko lang ay naging ikatlo ito sa top 10 movie theatres ng Spot.ph noong taong 2011. Sinehan sa Cubao? Pop na pop!
Malapit ng matapos ang eskwela. Nangangamoy bakasyon na naman para sa mga bagets. Kung nagiisip na ng mapapasyalan ngayong summer, bakit hindi nyo iconsider ang Cubao? Para kang nagsemi-time travel sa past dahil sa historical value ng lugar na ito without going too far from the contemporary world. Meh ganon?!

Sa dami ng facelift na nangyayari sa buong bansa, nakatutuwang makita na hindi naman napagiiwanan ang Cubao. Sana magtutuloy-tuloy na ang muling pagbangon ng komersyalismo dito para makapagproduce ng mas marami pang hanapbuhay sa mga Pilipino at alternative pasyalan para sa lakwatserong tulad ko o sa nais lang talagang makalabas ng bahay. At sympre nasa bucket list ko pa rin ang Dampa sa Farmers Market. O sige, isama ko na rin ang Arts in Island at Super Digital Cinema ng Gateway. 

Bago lumublob sa swimming pool o dagat ngayong summer vacation, tara sa Cubao!!!

2 comments: